Php10 pastil para makabuo ng tuition! Diskarte ng binatang vendor aprub sa mga netizens

Bilib ang mga netizens sa isang binatang nagtitinda ng murang pastil sa Dapitan dahil sa kanyang diskarte para makatapos ng pag-aaral.

Kanya-kanyang diskarte talaga ang mga Pilipino pagdating sa paghahanapbuhay at kumita ng pera. Para sa binatang si Yuan, ang naisipan niyang gawin habang nakatigil sa pag-aaral ay pagbabenta ng pastil sa kanto ng Dapitan upang makaipon ng pang tuition.

Sa isang vlog ni Laine Bernardo, sinundan niya ang binata kung paano siya nagbabalot ng pastil at kanin na ibinebenta niya lang sa halagang Php10 kada umaga para makaipon ng pera para makabalik sa eskwela at makatulong sa kanyang pamilya.

Gamit ang dahon ng saging, ibinabalot ni Yuan ang isang takal ng mainit na kanin na may toppings na chicken pastil at inilalagay sa cooler upang manatiling mainit ito.

Dahil mura ang kanyang paninda ay lagi itong sold out sa kanyang mga suking nais ding makatipid.

Ani Yuan, dati siyang nagtrabaho bilang service crew ngunit dahil nawalan din ng trabaho ang kanyang ina at ang kanyang lola kaya’t mas nauuna ang gastusing pambahay bago ang ipon para sa tuition.

Sa ngayon, determinado talaga siyang makaipon para sa kanyang pag-aaral dahil nais niya talagang makapagtapos.

Si Yuan pa lang kasi ang kauna-unahang miyembro ng kanyang pamilya na makakatungtong sa kolehiyo kaya’t lahat ng pagtitipid ay kanyang ginagawa, kabilang na dito ang pagkain ng isang beses lamang sa isang araw.

Marami namang netizen ang bumilib kay Yuan:

“Such an inspiring feature! Not only did you showcase the delicious pastil, but also shared the heartwarming story of the college student working hard to fund his education.”

“Mura grabe. Dahon pa lang ng saging,bigas mantika sili at gasul at iba pa.”

“Hindi madamot ang langit basta mag sipag ka lang God bless us all po. Saludo sainyo.”