Tunay ngang man’s best friend ang mga aso, tulad na lamang ng Pomeranian na si Cory.
Nang dahil sa hilig niyang mag joyride sakay ng motorbike, natulungan ni Cory maka-recover ang kanyang amo na si Kevin Joseph Obejero, isang motorcycling enthusiast tubong Cebu, mula sa pagkalulong sa droga at alcohol.
“Hindi ko naman ikinakahiya ito, isa kasi akong recovering drug addict. Na-rehab ako. Nung natapos ako sa program ko sa rehab ng 9 months, nag-relapse tapos nag-rehab ulit. Hanggang nag-volunteer akong mag-work sa rehab. Ang naging outlet ko ay pag-aalaga ng dog at pagmo-motor,” ani Kevin sa isang panayam sa ANCX.
Dumating sa buhay ni Kevin si Cory noong Pebrero 2022. Pinaampon umano si Cory ng kanyang unang pet parent dahil ikinasal ito at lumipat sa isang condominium na wala masyadong lugar para sa alagang aso.
Bago pa man niya ampunin si Cory, mahilig na rin talagang mag motorbike si Kevin. Taong 2018 ng makahiligan niya sumakay ng motorsiklo.
Madalas solo ride lamang siya sa kanyang Honda pero minsan dinadamayan siya ng kanyang partner sa kanyang mga bike adventures.
Noong nakaraang taon, naisip niyang isama si Cory nang mapansin niyang excited ito tuwing sasakay siya sa kanyang bike.
“Gusto mo bang mag-ride,” tanong niya minsan kay Cory. Nagsimula sila sa mga short rides gamit ang harness. Tinuruan din niya itong umihi sa kanilang mga pit stops.
Nang na-feel niya na handa na si Cory sa mas mahabang joyride, binaybay nila ang Bohol loop na mahigit kumulang 600 kilometers ang layo. Natapos naman ito ni Cory. At nasundan pa ito ng mas mahahabang bike adventures.
Swak naman ang get up ng kanyang furball sa kanilang mga biyahe. “Pag sinuutan ko na siya ng carrier, goggles at helmet, automatic ride mode na siya. Hindi na siya malikot kasi alam niyang magmomotor na kami,” kwento ni Kevin.
Five years and five months na aniya siyang “clean.” “Isa si Cory sa nakatulong para [mag-recover ako from drug addiction], aside sa partner ko at circle of friends ko ngayon,” dagdag pa ni Kevin.