Pawsome na Souvenir! Mga labi ng pumanaw na alaga, maaari nang gawing perlas

Isang kakaibang proseso ang pwedeng gawin upang maging jewelry ang mga labi ng yumaong alaga.

Para sa mga fur parents na nais magkaroon ng souvenir mula sa kanilang mga alagang tumawid na sa bahagharing tulay, may bagong paraan para inyong mabitbit ang alala ng pinakamamahal na furbabies saan man kayo magpunta.

May kamahalan at katagalan lamang ang proseso ngunit nakahanap ng paraan ang WBE pearl farm sa Japan upang gawing perlas ang mga labi ng yumaong alaga.

Sa gagawing proseso, mangangailangan ang kumpanya ng walo hanggang siyam na maliliit na piraso ng buto ng namayapang alaga. Ang mga maliliit na pirasong ito ay papalibutan ng resin bago ito ipasok sa loob ng mga oyster.

Tatagal ng isang taon bago ang mga buto ay tuluyang gawing perlas ng mga oyster. Ang mga perlas ay maaaring gawing hikaw, pulseras, or singsing ng mga kliyente upang palagi nilang madala ang aalala ng kanilang pinakamamahal na alaga.

Aabot sa halagang US$4,000 ang buong proseso at finished product.