Patok sa madlang pipol! ‘Lumpia Queen’ Abi Marquez, winner sa Webbys Award

Winner si Abi Marquez sa ika-28 na edisyon ng Webby Awards, ang prestihiyosong pagkilala sa mga mahuhusay na indibidwal at grupo sa larangan ng online o paggamit sa Internet.

Suporta ng madlang pipol ang bumalot sa tinaguriang “Lumpia Queen” Abi Marquez matapos siyang magwagi sa Webby Awards bilang People’s Voice sa Social: Food & Drink Category.

Isa si Abi sa limang nominado sa kategorya, kabilang ang American actress na si Jennifer Garner. Ginawaran naman ng Webby Award para sa Social: Food & Drink Category ang America’s Test Kitchen social media o @cooksillustrated sa Instagram.

Sinabi ni Abi na proud siyang itanghal ang pagkaing Pilipino sa kanyang social media accounts nang magsimula siyang gumawa ng content halos dalawang taon na ang nakakalipas.

“And recently, I’m so happy to discover that these TikToks alone have reached one billion views worldwide,” ani Abi, sa ulat ng GMA News Online. “A huge milestone for me and my country,” dagdag pa niya.

Kilala bilang isa sa mga pangunahing food content creators sa Pilipinas si Abi, na may higit sa 3.3 milyong followers sa TikTok.

Itinatag ang taunang Webby Awards ng International Academy of Digital Arts and Sciences kung saan kinikilala nito ang mga magaling at makabagong paraan sa paggamit ng Internet.

Ayon sa Webby Awards secretariat, nakatanggap sila ng halos 13,000 entries mula sa buong US at higit sa 70 na bansa sa buong mundo.