Patok na kangkong chips na mano-mano lang dati gawin ng isang Pinoy teenager, pang global na!

Nakakabilib ang entrepreneurial skills ni Josh Mojica dahil ang kangkong chips business niya na nagsimula sa Php3,500 na puhunan noong 2021 ay aarangkada na rin sa international market.

Nagsimula sa mano-manong paghihimay ng kangkong leaves, going global na ngayon ang kangkong chips na pinasikat ng 19-anyos na entrepreneur na si Josh Mojica.

Sa isang Facebook post, ibinalita ng batang CEO na bukas na para sa international franchise ang Kangkong Chips Original by Josh Mojica, na nagsimula lamang sa kanilang munting kusina sa Mendez, Cavite noong 2021 sa halagang Php3,500 bilang puhunan.

Dahil sa sipag at tiyaga ni Josh, napalago niya agad ang kanyang simpleng business sa loob ng anim na buwan at simula noon ay kumikita na ng Php5,000 kada araw o Php150,000 buwan-buwan.

Sinimulan ni Josh ang kangkong chips business noong June 2021 matapos mamatay ang kanyang lolo sa pagnanais na makatulong sa kanyang mga magulang.

Nagkataon naman na nakitaan niya ng business potential ang kangkong chips na niluluto ng kanyang tita, kaya naisipan niyang magpaturo dito at ibenta ito sa mga mga kamag-anak, kaibigan at mga kapitbahay.

Di kalaunan, naging patok na patok ito at dumagsa ang mga order, lalo na nang mag-order ng bultuhan ang isang senador at i-promote pa ito sa kanyang social media.

Upang makahabol sa dami ng orders, gumigising si Josh ng maaga para magluto ng kangkong chips. “Gumising na po ako ng maaga kasi madaming order. 6AM mag-isa lang po ako. May nagdidip, nagpiprito, ako din po yun lahat,” sabi ni Josh sa isang panayam sa The Philippine Star noong December 2021.

Nang kinailangan na niya ng tulong, kumuha siya ng back-up sa kanyang pinsan. Ngayon, nasa 100 na ang kanyang team. Kamakailan, flinex din niya sa Facebook ang kanyang naitayong factory na may sariling machine. “From a young boy na mano-manong naghihimay ng kangkong leaves…to a proud popular brand owner na merong sariling machine sa loob ng factory. Mas mapapabilis na ang production natin ng Kangkong Chips Original by Josh Mojica,” ani Josh. Marami naman ang nagpakita ng interes para sa alok na pagfafranchise ng produkto ni Josh sa ibang bansa. May mga Pinoy na nag-iinquire mula Canada, Thailand, Brunei at UAE. “Kangkong Chips Original by Josh Mojica is now venturing [into] the world. More and more people are craving to have a taste of this fun but satisfying snack from the Philippines,” ayon sa kumpanya.