Passion over paycheck! Financial analyst, iniwan ang corporate world para mag-alaga ng 600 stray dogs

Iniwan ni Jojo Lastimado ang trabaho bilang isang financial analyst sa isang bangko para sa misyong pag-aalaga ng mga rescue dogs.

Sabi nga nila, “Follow your passion, and the rest will attend to itself.”

Napatunayan ito kamakailan ni Jojo Lastimado na pinagpalit ang kanyang stable na trabaho bilang financial analyst sa isang bangko para magpatakbo ng isang animal sanctuary para sa mga na-rescue niyang mga aso.

Mahilig na talaga sa aso si Jojo dati pa kaya tuwing sahod, sinisiguro niyang lagi siyang nagdodonate sa iba’t ibang mga animal welfare groups.

“Pero hindi naman talaga ago nagrerescue,” ani Jojo sa isang panayam kay Kuya Kim sa “24 Oras.”

Nagbago ang kanyang tadhana nang kupkupin niya ang isang aso sa kanilang lugar sa Rizal noong 2018. Dahil tila naging calling niya ang pagkupkop sa mga asong nangangailangan, umabot sa 100 ang kanyang inampon.

“Nagreklamo na ang mga kapitbahay ko kasi siyempre maingay, mabaho,” kwento ni Jojo. Kaya napagdesisyunan niyang mag-resign na lang sa trabaho para ituloy ang kanyang passion sa pag-rerescue.

Noong nakaraang taon, tinatag niya ang God Sanctuary for Stray Animals sa Laguna na sa ngayon ay may 600 rescue dogs na.

“To be honest, mabigat kasi ako naman ay wala nang trabaho ngayon,” sabi ni Jojo. Nasa Php6,500 ang daily expenses ng shelter, aniya.

Para matustusan ang mga pangangailangan ng mga alagang aso, may mga merchandise din ang shelter na binebenta, tulad ng mga reusable bags, caps at pet essentials tulad ng shampoo at sabon.

Dahil din sa ginintuang puso ni Jojo, marami ring mga taong nagpapaabot ng tulong sa kanyang shelter. Nariyan ang isang vlogger na si Laine Bernardo na kamakailan ay nakalikom ng Php43,000 na pondo para sa shelter.

Ang long-term goal ngayon ni Jojo ay mapakapon ang mga rescued dogs sa kanyang sanctuary at mahanapan sila ng forever home.