Pasonaca Natural Park sa Zamboanga, idineklarang ASEAN Heritage Park

Kinilala ng ASEAN ang Pasonaca Natural Park bilang kanlungan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa Zamboanga Peninsula.

Idineklara kamakailan ang Pasonanca Natural Park sa Zamboanga City bilang ika-52 na ASEAN Heritage Park sa Timog-Silangang Asya.

Patunay ang pagkilala dito sa dedikasyon ng gobyerno sa pagpapanatili ng kalikasan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan tungo sa sustainable development, ayon kay Environment Secretary Maria Antonio Yulo-Loyzaga.

“The journey of Pasonanca Natural Park to this prestigious status symbolizes our unwavering commitment to environmental preservation and sustainable development,” sinabi ni Loyzaga sa isang talumpati noong May 13 sa ulat ng Philippine News Agency.

Ang Pasonaca Natural Park ang kauna-unahang protected area sa buong Zamboanga Peninsula, na nai-deklara sa bisa ng Expanded National Integrated Protected Area System Act.

Ito na rin ang ika-10 na ASEAN Heritage Park sa buong bansa.

Nananatiling kanlungan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman ang Pasonaca Natural Park, na may lawak na 17,414 hectares. Mayaman sa mga puno ang parke, na kilala sa katangian nitong mga secondary at old-grown dipterocarp forests, o mga lowland tropical trees.

Nakikita rin sa Pasonaca ang threatened na Mindanao bleeding-heart bird at ang critically endangered na Philippine Eagle.