‘Parkour puspin,’ kinabiliban ng ilang netizen

Pinabilib ng isang pusa ang mga netizen sa kanyang determinasyon, balanse, at dedikasyon sa kanyang mga anak.

May kasabihan na ang mga pusa ay may siyam na buhay, marahil dahil sa kanilang kakaibang diskarte, bilis kumilos at galing manghuli ng ano’t ano pang maliliit na hayop o insekto.

Isang pusa ang kinabibiliban ng mga netizen ngayon dahil sa galing nitong lumanding, ngunit higit pa dito, kinaantigan ng netizens ang pusa dahil isa daw itong mother cat na gustong agad mapuntahan ang mga anak na naiwan nito bubong ng kabilang bahay, ayon sa isang nag comment.

Sa video, makikitang paulit ulit na umaakyat ng hagdanan ang puting pusa upang makatawid sa bubong ng kabilang bahay.

Parang isang parkour artist, paulit-ulit itong ginawa ni muning at sa bawat pagkakaton na kakapusin ito ng talon ay lumalanding ito ng maayos kahit na mataas ang pinanggalingan nito.

Ayon sa isang artikulo ng Purina, ang mga pusa ay may built-in landing reflex kung saan naitatama nila ang kanilang bagsak. Ngunit hindi pa din ito perkepeto at may mga pagkakataon pa rin naman silang hindi maayos na nakakabagsak na maaari ding magsanhi ng injury.

“Di nyan alintana ang sakit ng katawan nya.. ang importante jan mapuntahan agad ang anak nyang umiiyak,” ani isang netizen.

“Hardwork and dedication,” tugon ng isa pa.

“THE SPIRIT OF PERSEVERANCE,” buong paghangang sinabi ng isang commenter.

Kahit may mga positibong komento, mayroon din namang bumatikos sa uploader na sana ay tinulungan na lang ang pusa imbes na kunan ito ng video.