Panaderya Lokal: Mga tinapay na gawa ng mga preso sa Silay City, patok sa masa! 

Huwag ismolin ang mga tinapay na ito dahil hindi rin pahuhuli sa sarap ang gawa ng Panaderya Lokal sa loob ng Silay City District Jail.

Hindi inakala ng Silay City District Jail (SCDJ) na mag-iiwan ng sarap sa pansala ng mga tao ang mga tinapay mula sa kanilang Lokal Panaderya.

Matapos ang ibinigay na training sa baking at bread production techniques ng Technology Livelihood and Development Center (TLDC) sa inmates o persons deprived of liberty (PDLs) noong nakaraang taon, unti-unti nang sumikat ang Panaderya Lokal.

Dahil sa sarap ng tinapay na gawa ng apat na inmates mismo sa loob ng SCDJ, naging usap-usapan ito hindi lang sa Silay City kundi sa buong Negros Occidental.

“Taste-wise, our breads and cakes can really compete with other bakeries in the city. They’re terribly happy with the new development that highlighted our banana moist cakes,” ayon kay Jail Officer 1 Jullie Ann Maque sa ulat ng Rappler. Si Maque ang in-charge sa livelihood programs para sa Silay City PDLs.

Dahil hinahanap-hanap ito ng mga customer, maaari nang mabili ang mga tinapay nila, lalo na ang patok na Banana Moist Cake, sa Silay City Tourism Office at isang coffee shop sa lungsod. Noong Valentine’s Day, ito rin ang naging giveaway para sa mga ikinasal sa mass wedding at kanilang mga bisita na ini-sponsor ni Mayor Joedith Gallego. Agaw-atensyon din ang motto ng panaderya: “A second chance in every slice” dahil sa bawat tinapay na nabibili, nabibigyan ng pag-asa para kumita ang mga inmates. Sa kasalukuyan, mayroong 554 inmates ang SCDJ. Para naman ma-monitor ang progreso ng panaderya, nagkaroon ng Financial Literacy training ang mga nasa likod ng Panaderya Lokal noong nakaraang buwan. Tumatanggap ng order ang Panaderya Lokal sa pamamagitan ng pagtawag sa 09480463444 o pag message sa Facebook Page ng Silay City District Jail Male Dorm.