Pampanga, next! 6M na tonelada basura at burak, natanggal ng SMC mula sa mga ilog sa Metro Manila, Bulacan

Kusang loob na ginagawa ng SMC ang dredging operations sa mga ilog sa Metro Manila at Bulacan, na nagsimula pa noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.

Umabot na sa anim na milyong tonelada ng burak o silt at basura ang nakuha ng San Miguel Corporation (SMC) mula sa major rivers ng Bulacan province at Metro Manila, kabilang ang mga ilog Pasig, Tullahan, at San Juan.

Mula sa kabuuang bilang, higit sa kalahati nito o tatlong milyong tonelada ng burak at basura ang nakuha mula sa mga ilog ng Bulacan province, sinabi ng kumpanya sa isang pahayag.

“Our next step is to begin our cleanup efforts in the Pampanga River, which is critical to reducing flooding in both Pampanga and Bulacan. We are grateful for the dedication and hard work of our river cleanup teams,” sinabi ni SMC President and CEO Ramon S. Ang sa kanyang Facebook post.

“Together, we will continue to make a real difference in protecting our environment and improving quality of life for our communities,” dagdag pa niya.

Kusang-loob na ginagawa ng kumpanya ang dredging operations, na nagsimula pa noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.

Noong nakalipas na Oktubre, pinalawig ng SMC ang kanilang river cleanup program mula Metro Manila patungong Bulacan at karatig lalawigan ng Pampanga, Laguna, at Cavite, sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Public Works and Highways, at mga lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nakakuha na ng higit sa 300,000 tonelada ng burak at basura mula sa San Isidro River sa Lungsod ng San Pedro, Laguna, ayon sa kumpanya.

Nakatakdang magtungo ang SMC dredging operation sa Pampanga River, kung saan target nitong tanggalin ang burak at basura sa 26-km na ilog. Isa ito sa dahilan kung bakit bumabaha sa Pampanga at Bulacan.