Palamig muna, mga ate’t kuya ng kalsada! Outdoor workers, nilibre ng malamig na inumin ng GrabPH noong Labor Day

Nagbigay-pugay ang Grab Philippines sa hanay ng mga outdoor workers noong nakalipas na Labor Day sa pamamagitan ng mga Grab Palamig Spots na may ice-cold na inumin pangkontra sa napakainit na panahon.

Sa gitna ng tirik na araw at mainit na panahon sa Cebu, nagbigay ng konsuelo ang Grab Philippines sa pamamagitan ng Grab Palamig para sa mga manggagawa sa kalsada tulad ng drivers, vendors, security guards, at iba pang mga outdoor workers noong May 1, Labor Day.

Nagtungo ang mga outdoor workers sa mga Grab Palamig spots kung saan inabot sa kanila ang iba’t ibang mga ice-cold na inumin upang magpalamig at pasalamatan ang mga tinaguriang modern-day heroes.

“Ito po ay aming pasasalamat sa mga manggagawa natin na nasa daan, nasa kalsada, kahit sobrang init, patuloy na lumalaban ng patas at patuloy na naghahanapbuhay,” sinabi ni PJ Bailon, driver engagement lead ng Grab Philippines sa ulat ng Cebu Daily News.

Maliban sa Cebu City, nagsagawa rin ng Grab Palamig sa iba pang malalaking lungsod tulad ng Quezon City at Davao City.

Sa pamamagitan ng kanilang Grab App, nagpadala ng map pin sa kanilang mga partners at users para matagpuan ang pinakamalapit na Grab Palamig spot mula sa kanilang kasalukuyang lokasyon.

Nakipagtulungan rin ang kumpanya sa kanilang mga delivery-partners, na siyang tumao sa mga Grab Palamig Spots para maglingkod sa kanilang kapwa manggagawa.

“Ang laking epekto sa amin ng init, lalo na madalas kaming nakababad sa init ng araw. Kaya saludo ako sa mga kapwa ko rider at mga kagaya naming mga naghahanapbuhay sa kalsada,” paliwanag ni Big Daddy, isang miyembro ng Grab Ugnayan, na samahan ng mga Grab delivery partners.

“Noong narinig ko na may ganito tayong espesyal na kaganapan para sa amin at sa iba pang manggagawa sa daan, agad-agad naming napagdesisyonan na tumulong kahit sa papaano mang paraan,” dagdag pa ni Big Daddy.