Paano magpalaki ng hindi mayabang na mga anak? Magpabaon ng pagkain sa eskwela kaysa pera, sikreto ni Ramon S. Ang, big boss ng San Miguel Corp.

Hindi yaman, kundi pakikipagkapwa ang mahalaga sa buhay ng tao.

Isa sa pinakamayamang tao sa Pilipinas si San Miguel Corporation President at CEO Ramon Ang pero hanggang ngayon, proud siya sa kanyang sistema ng pagpapalaki sa kanyang nga anak na ngayon ay marunong gumalang sa kapwa.

Kung ngayon ay napakaraming magulang ang dumaraing sa laki ng gastusin ng kanilang mga anak, pinayuhan niya ang mga ito na sanayin ang mga bata sa baong pagkain imbes na pera tulad aniya ng ginawa niya sa kanyang mga anak noong nagaaral pa ang mga ito.

Dapat hindi sanayin sa luho ang mga anak nang pagdating ng araw ay marunong pa rin silang tumapak sa lupa, sabi ng pang-apat na pinakamayaman sa bansa ayon sa Forbes.

“Huwag niyong bibigyan ng malaking baon. Kailangan magdala sila ng baon na pagkain. Yun ang dalhin nila sa eskwela. Wag pupunta sa eskwela kung ano ano ang binibili. Pinalaki ko sila na palagi silang may dalang baon sa eskwela at yun ang kakainin nila. Wala silang bibilhin na kung ano anong kalokohan na borloloy para matuto, otherwise later on di mo na makakausap yun mas mayabang pa sa atin yun,” dagdag pa niya.

Pinalaki din niya ang mga ito na may pag-galang sa mga kasamahan nila sa bahay at hindi mapagmataas.

Aniya, gusto niyang ipamulat sa kanyang mga anak ang kabutihan naidudulot ng pagiging simpleng tao na may magandang relasyon sa kapwa.

Ayon sa big boss ng San Miguel, proud siya na ang kanyang mga kasama sa trabaho ay inaabot ng 40 hanggang 45 taon dahil hindi niya tinatrato ng iba ang mga ito.

“Yung mga kasama ko mga mekaniko 40, 45 years, yang driver ko na si Eddie Mariano, nasa akin na yan 40 + years. Marunong tayo makisama e,” saad niya sa isang panayam

Naikwento niya na noong nakaraan, nang malaman niya na hindi maganda ang lagay ng tiyan ng kanyang driver at nalaman niya na pareho sila ng gamot, agad niyang ibinigay ang gamot niya pati sariling tubig para agad umigi ang pakiramdam nito. Aniya, maganda sa pakiramdam na hindi tinitignan ang sarili bilang nakakaangat sa iba.