Kung sa Pilipinas ay hindi masyadong ipinagmamalaki ang pangangalakal ng basura, iba ang naging karansanan ng content creator na si Euhannes na ginawang karera ang dumpster diving sa US.
Paano ba naman, napakarami niyang napupulot ng kung anu-anong magagandang items sa kanyang ginagawa mula sa mga electronics, accessories at maging mga gamit na brand new pa.
Sa isang panayam, sinasabi ni Euhannes na tinutulungan siya ng kanyang partner na si John sa pagda-dumpster dive pagtapos nito sa trabaho bilang isang chef sa isang restaurant sa Amerika. Ayon sa kanila, maging sila ay nagugulat sa mga bagay na itinatapon ng mga tao tulad na lang ng isang 42-inch Samsung TV na natagpuan lang nila sa basura.
Ayon kay Euhannes, nakakapagpuno siya ng balikbayan boxes ng padala mula sa kanyang dumpster dive at ikinakasiya naman ito ng kanyang pamilya, lalo na ang mga natatanggap nilang mga laruan na brand new niya pang nakukuha sa basura.
“Nagulat talaga sila pagbukas ng balikbayan box na sobrang daming laruan na first time sa buhay nila makatanggap. Even ako hindi ko naranasan yan nung bata pa ako.
Maging mga gulay at frozen meat ay nakukuha din ng mag-partner na nakakatulong din bumawas sa kanilang expenses.
“Huwag silang mahiya at huwag nilang isipin yung sasabihin ng ibang tao. Huwag kang makinig sa sinasabi ng iba. Do whatever makes you happy,” ani Euhannes sa mga nagbabalak ding sumunod sa kanyang ginagawa.