Olympic gold next! Carlos Yulo, nasungit ang kauna-unahang career gold medal sa men’s artistic gymnastics all-around competition ng Asian Championships

Magsisilbing magandang buwelo ang gintong medalyang nasungkit ni Pinoy champion gymnast na si Carlos Yulo, na isa sa mga ipapadalang atleta ng Pilipinas sa nalalapit na 2024 Paris Olympics na gaganapin ngayong Hulyo.

Nakamit ni Pinoy champion gymnast at Olympian Carlos Yulo ang rurok ng tagumpay sa men’s artistic gymnastics individual all-around competition matapos masungkit ang ginto sa ginaganap na Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan.

Dahil sa panalo, itituturing na No. 1 sa buong kontinente ng Asia si Yulo pag dating sa men’s artistic gymnastics individual all-around, ayon kay Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.

Dahil sa panalo, magsisilbi itong magandang buwelo para kay Yulo, na isa sa mga kinatawan ng Pilipinas sa nalalapit na 2024 Paris Olympics.

“We were jumping with joy for Carlos being No. 1 in Asia. That’s how happy we are,” sinabi ni Carrion sa isang panayam. “He has proven that he’s the best in Asia. Next is Olympic gold.”

Nagtala ng 84.931 points si Yulo sa kompetisyon para makuha ang gintong medalya, habang sumunod naman sa kanya ang Kazakh na si Milad Karimi (84.632 points), at ang Uzbek na si Asimov Abdulla (82.431 points).

Ipinamalas ni Yulo ang kanyang kakayahan sa anim na aparato sa event—floor exercise, rings, pommel horse, vault, parallel bars and horizontal bar—kung saan naging mataas ang nakukuha niyang puntos dahil sa kanyang natatanging galing.

“We are really excited with what Carlos can show in the Olympics. Very promising,” dagdag pa ni Carrion.