OFW sa South Korea, viral sa TikTok dahil sa pagbebenta ng taho na lasang Pinas

Umabot na rin ang sarap ng Pinoy taho sa South Korea dahil sa isang OFW na nagbebenta nito tuwing Linggo sa Seoul.

Basic nang makakita ng kapwa Pilipino saan mang sulok ng mundo. Pero ngayong 2025, hindi lang ang mga kababayan ang may global reach dahil pati na rin ang street food na kay tagal nang nagbibigay saya sa umaga: ang taho.

Sa Seoul, South Korea, laking gulat ng mga Pinoy nang maispatan ang isang mangtataho na legit na may dalang tofu, arnibal at sago sa tapat ng Hyehwa Catholic Church.

Sa isang viral TikTok post ng mangtataho na si @mangstaho, makikita ang mga kababayan na nagtatanong kung totoo nga bang taho ang paninda ni kuya.

Nang binuksan ng tindero ang lalagyan at bumungad ang mainit na tofu at sandok, naexcite ang isang customer: “Ay oo, taho nga!”

Ayon kay Mang’s Taho, na tubong Porac, Pampanga at ngayon ay nakatira na sa Guri, Gyeonggi Province, inaral niya mismo kung paano gawin ang tahong lasang-Pinas para sa mga kapwa OFW na nakakamiss na dito.

Pero hindi lang Pinoy ang kanyang suki, pati raw mga Koreano ay nahuhumaling din sa kanyang taho.

May dalawang klaseng cup na pwedeng bilhin: KRW 3,000 (Php120) at KRW5,000 (Php200). Ayon sa netizens, sulit naman daw ito dahil punong-puno ang takal at hindi tinitipid.

Makikita ang mangtataho tuwing Linggo, 11 a.m. to 3 p.m., malapit sa entrance ng simbahan sa Hyehwa.

@mangstaho Totoong taho ba yan? Hindi makapaniwala ang mga Kababayan natin na may Taho na sa South Korea! Si mam nakalimutan na ang sukli kasi na exite sa Taho! 😅😊 #mangstaho #tahosakorea🇰🇷 #tahosakorea #fyppppppppppppppppppppppp #eps #taho #streetfood #koreastreetfood #두부디저트 #푸딩 #순두부 #필리핀 #koreanspeakingtagalog #koreandrama ♬ original sound – Mang’s

Tuwang-tuwa naman ang mga Pinoy netizens sa comments section:

“Imagine nasa korea ka tapos makakarinig ka ng nasigaw ng taho 🥺 nostalgia!”

“Would love me a Filipino tahoo sa ibang bansa 🥰 may taho din sila sa vietnam with their own version pero filipino taho talaga pinaka best”

“Lasang pinas nga” priceless pag matagal ka na sa ibang bansa”

“Buti pa taho sa Korea, punong Puno ang takal..haha”