#NoToJeepneyPhaseout! Jonas Brothers naispatan sa isang jeepney bago ang kanilang concert

Kung wala na ngang jeepney e paano ito ma-e-experience ng mga foreign artists tulad ng Jonas Brothers.

Nakatagpo na naman ang mga netizens ng panibagong rason para sumuporta sa kampanyang #NotoJeepneyPhaseout. Sa pagkakataong ito, dahil naman ito sa Jonas Brothers.

Sa isang post ng X user na si Steph, ibinahagi niya ang video kung saan makikitang nakasakay sa isang jeepney ang magkakapatid na Kevin, Joe, at Nick Jonas na dumayo sa Pilipinas para mag-concert.

Kahit hindi masyadong maaninag ang mukha ng tatlong “Lovebug” hitmakers ay makikita naman sa kanilang galaw na talagang ine-enjoy nila ang experience ng pagsakay sa jeep, na hindi nila mararanasan sa ibang lugar na kanilang binibista.

Ayon kay Steph, mistulang nagdilang anghel ang kanyang kapatid nang sabihin na baka makita nila ang Jonas Brothers bago ang concert at nangyari nga ito.

Matatandaang trending din ang concert ng Jonas Brothers sa Pinas sa Mall of Asia Arena.