Isang museo ang itatayo ng Megaworld Corp. sa isa sa mga township projects nito sa Cebu province na magbibigay-daan sa mas maraming mga turista na maunawaan ang kulturang Pilipino.
Inanunsyo ng kumpanya nitong April 25 na itatayo nila ang Mactan World Museum sa loob ng kanilang 30-hectare na Mactan Newtown sa Lapu-Lapu City. Aabot ang halaga ng museo sa Php1.2 bilyon, at inaasahang matatapos ang gusali sa loob ng tatlong taon, ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.
Ayon sa kumpanya, tampok sa museo ang mga mahahalagang kabanata sa kasaysayan ng bansa tulad ng pagdating ni Ferdinand Magellan, ang Galleon Trade, at ang Battle of Mactan noong 1521, paliwanag ng kumpanya sa isang pahayag.
“Being at the center of the Mactan Newtown, this museum will provide locals and tourists with a creative avenue to connect, share interests as a community, expand knowledge, and form a deeper appreciation not only for Mactan but also for our nation’s history,” sinabi ni Graham Coates, pinuno ng Megaworld Lifestyle Malls.
Makikita rin sa museo ang tinaguriang “extensive collection” ng mga artwork na pipiliin ni Dannie Alvarez, pangulo ng Alliance of Greater Manila Museums at dating pinuno ng committee on museums ng National Commission for Culture and the Arts.
Magkakaroon ng limang main exhibit galleries sa ikalawang palapag tampok ang mga artifacts, mga replica mementos, at mga interactive displays.
Dalawang performance halls na may kapasidad na 270 katao ang kasama sa mga pinaplano.