Akala nila ay inisnab na sila ng pinakamamahal nilang “Megastar.”
Matiyagang nag-antay ang mga “Sharonians” kay Megastar Sharon Cuneta matapos ang matagumpay na “Dear Heart” concert nito kasama ang dating asawa na si Gabby Concepcion sa Mall of Asia Arena noong Oktubre 27.
Habang nakatayo sila sa daanan ng mga sasakyan ay nanlumo sila dahil nilagpasan lamang sila ng isang itim na van na sa pag-aakala nila ay nakasakay si Sharon.
Sa isip nila, ni hindi man lang ito nagbukas ng bintana at kumaway man lang sa kanila.
Pero biktima pala sila ng maling akala dahil malayo pa lang ay umalingawngaw na ang boses ni Sharon na sumisigaw ng “nandito ako!”
Pagkarinig kay Sharon ay nabuhayan ng loob ang mga nasa kulang-kulang bente na Sharonians sabay takbo sa sasakyan na lulan ang Megastar.
“Malayo pa lang nakita ko na kayo eh, kaya sumigaw na ako ng “nandito ako!” sabi ng Megastar.
Isa-isa silang nagpalitrato kay Sharon na niyakap naman sila at hinalikan nito.
“‘Yung nanlumo ang SHARONIANS pag tapat ng Black na sasakyan at hindi nagbukas ang bintana. Syempre nagtaka ang lahat dahil hindi ganon si Sharon Cuneta tapos sa bandang likuran may biglang sumigaw ng “NANDITO AKO” tinginan lahat at syempre ready na si Sharon na nakabukas ang bintana kaya tawanan na at masayang masaya na ang lahat,” ito ang nakalagay sa video na in-upload sa Facebook ng isang solid Sharonian na si Isagani Artillero.
“Halika kay mama,” ang sabi ni Sharon sa mga batang Sharonians habang nagpapalitrato sa kanya.
Masayang nakipagkwentuhan pa si Sharon sa kanila at hiningi ang kanilang opinyon sa naganap na concert. Hindi rin maitago ang kilig na naramdaman ng mga fans sa dating mag-asawa.
Tinanong pa sila ni Sharon kung alin ang naging paborito nilang parte ng concert nila ni Gabby.
Kanya-kanyang sagot naman ang mga ito. May nagsabi naman na naiyak siya sa opening number pa lang nilang dalawa. Inamin naman ni Sharon na sa rehearsal pa lang ay naiiyan na din siya.
Napuno ang MOA sa naganap na concert nina Sharon at Gabby na kung saan ay nagkasama rin sa isang portion ang kanilang unica hija na si KC Concepcion.
Ang “Dear Heart” ay ang unang pelikula nina Sharon at Gabby, 42 taon na ang nakaraan.