Isandaang porsyentong lakas ang ipinamalas ng “Yu Yu Hakusho” o “Ghost Fighter” live action series sa Netflix nang magtala ito 7.7 million views sa unang linggo nito sa streaming platform.
Gumawa din ito ng rekord bilang pinakamalaking debut para sa isang Netflix Japanese series sa kasaysayan ng platform.
Matatandaang ilan sa mga patok na Japanese live action adaptations ay ang “Alice in Borderland”, “Kimi no Todoke”, “Kakeguri” at mga live action movies tulad ng “Bleach” at “Full Metal Alchemist.”
Ang “Ghost Fighter” ay isa sa mga palabas na inantabayanan na ng mga Pinoy mula pa ng ito ay ianunsiyo ng Netflix dahil sa malakas na hatak nito sa bansa. Matatandaang araw araw na ipinalalabas ng GMA 7 ang tagalized version nito noong 90s kaya’t napakaraming naging fan ng anime version nito na tinampukan nila Eugene (Yusuke), Alfred (Kuwabara), Dennis (Kurama) at Vincent (Hiei). At sino ba ang hindi nakakaalala sa matinding labanan na naganap sa Dark Tournament sa pagitan nina Eugene at Taguro (Toguro)?
Bilang pagkilala sa pagmamahal ng mga Pilipino sa “Ghost Fighter”, ay siniguro ng Netflix na mayroong tagalog audio na kasama sa mga pagpipilian sa mga options nito. Kaya’t para itong nagsilbing baliktanaw para sa mga fans ng serye.