NAIA glow-up soon! RSA, SMC-led consortium magtatayo ng bagong terminal building, aayusin ang aircon, elevator sa buong NAIA complex

Pormal na lumagda ang gobyerno at San Miguel Corp. sa concession agreement na nagbibigay pahintulot sa kumpanya na patakbuhin at pagandahin ang NAIA.

Isang bagong terminal building na kayang mag-accommodate ng 35 million passengers kada taon at 9,000 na sasakyan ang isa sa inaabangang glow-up ng Ninoy Aquino International Airport sa ilalim ng pagpapatakbo ng San Miguel Corp.

Nitong Lunes, pormal nang nilagdaan ang kontrata na naggawad sa kumpanya na patakbuhin ang pangunahing paliparan ng bansa, na palagi na lang nababansagang isa sa mga “worst airports” sa buong mundo.

Isang terminal building ang itataguyod ng SMC, na nanalo sa isinagawang bidding ng gobyerno para ayusin ang NAIA, sa kasalukuyang Philippine Village Hotel upang paluwagin pa ang mga terminal building sa buong airport complex, ayon kay SMC President at CEO Ramon S. Ang sa ulat ng GMA News.

“We will build a new passenger terminal building with a capacity of 35 million passengers per year,” sinabi ni Ang sa isang pulong-balitaan matapos lagdaan ang concession agreement sa Malacanang noong March 18.

“Luluwag na ang mga lumang terminal na ‘yan pagka nayari na ang bagong terminal,” aniya. “It can handle 35 million passengers per year with a concourse… with 50, target-to-build, boarding bridges,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon kay Ang, tinatayang aabot sa tatlong taon o 36 months ang pagtataguyod ng bagong terminal building, at hindi pa niya nasabi kung tatawagin itong Terminal 5.

Sinabi pa ni Ang na walang gigibain na terminal building, at sa halip ay aayusin ang mga makina rito tulad ng aircon, power system, at iba pa.

“Within 6 months from the time we take over in September to March next year before Holy Week, saksakan na ng linis yan. Pati air-condition magiging malamig na at dadami upuan,” giit ni Ang.