Nabuwal na mga puno ng bagyong Odette, nagkaroon ng bagong buhay! Ginawang furniture sa isang bar

Isang dating OFW sa Hinobaan, Negros Occidental ginawang kapaki-pakinabang ang mga nabuwal na puno ni bagyong Odette.

Disyembre 17 noong 2021 ay sinalanta ng bagyong Odette ang ibat- ibang lugar sa Visayas at Mindanao at isa sa mga napuruhan ng ay munisipyo ng Hinobaan sa Negros Occidental. Maraming puno noon ang nabuwal sa lupa na pag-aari ni Milo Edjan-Navarro.

Ngunit imbes na magmukmok matapos ang kalamidad, naisipan ni Milo na gawing kapakipakinabang ang mga natumbang malalaking puno.

Matapos ang isang taon, nagawa nang mag-expand ng food bar ni Milo sa pamamagitan ng mga natumbang puno ng kobi at mahogany na ginawa niyang mga furniture.


Ngayon, ang higit 20 punong natumba ng malakas na bagyo ay nagkaroon ng pangalawang buhay bilang magagandang upuan, mesa, mini bar, at pergola.

“It’s making use of what you have (left)…imbes na basura o ulingon (imbes na maging basura o gaeing oling), I was thingking of making a pergola, ini (ito),” sabi ni Milo sa isang interview ng Digicast Negros habang tinuturo ang isa sa mga furniture.

Maganda din daw ang naging dulot ng ekspansyon ng kanyang negosyo dahil mula sa isang trabahador, ngayon ay naging sampu na.

Si Milo ay naging Overseas Filipino Worker sa Dubai sa loob ng dalawampung taon. Hindi niya inakala na mananatili na siya sa bansa at magiging busy na sa kanyang negosyo.

Sabi ni Milo na sa bawat problema may oportunidad, sa bawat kalamidad ay kailangang bumangon.

Dagdag pa niya, tinaniman na rin nila ng mga bagong puno ang lugar na kung saan nabuwal ang mga punong kahoy para muling umusbong ang mga endemic trees na nawala dito noong bagyo.