Mountaineering aspin at ang kanyang amo ay nagtagpo muli matapos mawala ang alaga ng anim na araw, salamat sa bayanihan!

Naging happy ending naman ang mala-pelikulang paghahanap ng isang mountaineering guide sa kanyang nawawalang alagang aso sa Negros Occidental dahil sa bayanihan.

Sa isang mala-pelikulang paghahanap sa isang mahal na alaga, isang “aspin” mountaineering dog at ang amo nitong guide sa Mt. Kanlaon ay nagkitang muli matapos na mawalay sa isa’t isa ng anim na araw.

Salamat sa bayanihan, natagpuan ang aspin na nagngangalang “Kagta” matapos ang ilang araw na paghahanap sa kung saan-saan sa Bacolod City tulad sa mga taniman ng tubo pati na sa isang sementeryo.

Si Kagta ay kasa-kasama ni Ronnie Sumugat pag ito’y umaakyat sa Mt. Kanlaon at sa talon sa La Carlota City. Ngunit bigla na lang itong hindi umuwi noong Setyembre 22 matapos lumabas ng gate, kwento ni Ronnie sa isang panayam ng Digicast Negros.

Sanay naman anya si Ronnie at kanyang pamilya na lumalabas si Kagta pag papasok ng eskwela ang isa niyang anak o kung iihi ito.

Nang hindi na ito umuwi ng araw na iyon, dali-daling nag post si Ronnie sa kanyang Facebook tungkol sa kanyang nawawalang alaga.

Naging viral ang kanyang post kaya noong may maka-aninag kay Kagta sa bandang circumferential road papuntang Bacolod-Silay Airport, ay agad namang binalita sa kanya kaya dali-dali siyang nagpunta roon.

May mga volunteers na tumulong sa kanya halughugin ang taniman ng tubo pati na ang kalapit na sementeryo. May isang nagmagandang loob rin na gumamit ng drone para mapabilis ang paghahanap.

Nang hindi makita ang alaga sa lokasyon na ito, nagpasya si Ronnie na magtayo ng tent at mamalagi muna sa gilid ng kalsada para mas mabilis ang paghahanap kay Kagta.

Isang residenteng nag-ngangalang Vethyl Lema ang nakakita kay Kagta na papauwi noon sa Bacolod galing Talisay. Alam ni Vethyl ang kwento ni Kagta dahil usap-usapan na rin ito sa animal clinic na pinanggalingan niya.

Nang binabaybay niya ang Queensville sa Barangay Estipoña sa Bacolod, nahagip ang atensyon niya sa isang pamilyar na aso. Hininto niya saglit ang sasakyan at binaba niya ang bintana sabay sigaw ng “Kagta!”

Lumingon at huminto naman ang nakitang aso. Sa puntong iyon ay kumbinsido si Beth na si Kagta nga ito. Nakita din ito ng dalawang rider na siyang tumulong para habulin ang asong biglang tumakbo papalayo.

Maswerte namang nakuha agad ang alaga at si Beth na mismo ang naghatid dito sa kinaroroonan ni Ronnie. Ngunit dalawang metro bago pa sila makarating, kwento ng asawa ni Beth ay tila bang alam na nito na magkikita na sila muli ng kanyang amo. “The dog was very, very excited,” sabi ng asawa ni Beth.

Nag-iyakan ang buong pamilya ni Ronnie nang makapiling na nila muli ang alaga at nagpasalamat sa Diyos at sa mga tumulong sa kanila sa paghahanap kahit hindi nila ito kakilala.

“Hindi pinabayaan ng Diyos si Kagta. Hindi mo makita ang trace na nagutom siya, na-exhausted siya,” natutuwang sabi ni Grace, asawa ni Ronnie.

Dagdag ni Ronnie, hindi nanghina si Kagta dahil anya sanay ito umakyat ng bundok at maglakad ng matagal. Nawala rin daw ang kanyang pagod at hirap nang makita niya ulit ang mahal niyang alaga.