‘Monster Rookies’ AHOF, wagi na naman sa ikatlong music show appearance sa Korea

Pinatunayan ng “Monster Rookies” na AHOF na kaya nilang makipagsabayan sa kanilang mga sunbae pagdating sa music show competitions.

Winner na naman sa pangatlong pagkakataon ang tinaguriang “Monster Rookies” na AHOF mula sa survival show na “Universe League” ng F&F Entertainment. Matapos mag-perform at manalo sa “Show Champion” at “The Show” sa kanilang debut stages, nasungkit din ng grupo ang panalo para sa Music Bank.

Big deal para sa kanilang NAMELESS fandom ang pagkapanalo ng rookie group dahil nadaig pa nito ang sikat na girl group na Aespa sa kanilang comeback na “Dirty Work,” ayon sa ulat ng Soompi.

Patuloy ang pag po-promote ng AHOF sa mga music shows at maugong din ang suporta ng kanilang fans para sa kanilang multinational idol group na kinabibilangan nina Steven (Korean-Australian), JL (Filipino), Jeongwoo, Woonki, Han, Juwon (Korean) Shuaibo (Chinese), Chi En (Taiwanese), at Daisuke (Japanese).