Mga unggoy, nakahanap ng ‘safe space’ sa Divine Mercy Mountain for Prayer and Healing sa Cebu City

Naging kanlungan ng mga unggoy ang ginagawang Divine Mercy Mountain for Prayer and Healing sa Cebu City.

Bago pa man makahatak ng lokal at international na mga turista, nauna nang dayuhin ng mga unggoy ang ginagawang Divine Mercy image sa Barangay Sirao, Cebu City.

Mula 10, umabot na sa 50 na mga unggoy ang tumatambay sa construction site ng Divine Mercy Mountain for Prayer and Healing na matatagpuan sa bulubundukin na parte ng nasabing barangay.

Ito’y kinagulat ni Cebu City Councilor Pastor Alcover nang bisitahin niya kamakailan ang lugar na kasalukuyaan pang tinatapos.

Napagalaman ni Alcover na nakahanap ng “safe place” ang mga unggoy sa pagtatayuan ng imahe ng Divine Mercy dahil anya dati silang hina-hunting ng mga tao at iniihaw para kainin.

Sa panayam ng SunStar Cebu, sinabi ni Alcover na nasa tatlong taon na rin ang ginagawang konstruksiyon kaya marahil dumami na ang mga “residenteng” unggoy dito. Pinapakain din ng mga construction workers ang mga ito.

Dahil mayroong caretaker ang lugar, hindi na rin dito nakakapunta ang mga nangunguha ng mga unggoy. Nabawasan na rin anya ang pagnanakaw ng mga unggoy ng mga pagkain at pananim ng mga magsasaka sa mga kalapit na lugar.

“Kung gutom sila, aatake sila kaya pinapatay na lang sila dati,” dagdag ni Alcover.