Mga residente ng Tondo, may libreng pagkain o pera kapalit ng kanilang mga recyclable na basura

Isang inisyatibo ang inilunsad sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila kung saan kapalit ng mga recyclables ay pera o pagkain.

Sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila, ang mga plastik at iba pa ay nagiging pera o pagkain bilang bahagi ng isang proyekto para mabawasan ang basura sa komunidad.

Simple lamang ang ginagawa ng mga residente dito para may dagdag kita sila para sa kanilang araw-araw na gastos. Dinadala lamang nila ang mga recyclable na materyales tulad ng plastik, bote, lata, papel, at scrap metal sa Eco-Ikot Center at ang kapalit nito ay bigas, gulay o pera, ayon sa ulat ng 24 Oras.

Inumpisahan ang programang ito ng non-government organization na Communities Organized for Resource Allocation (CORA), at ang Eco-Ikot Center naman ay sinusuportahan ng US Agency for International Development at ng Korea International Cooperation Agency.

“Gusto natin ipakita na ang Pilipinas ay isa ring lugar ng mga solusyon – simpleng paglinis, paghiwalay. Pwede niyong dalhin dito for e-cash, you can get points, pwede din po kayo makakuha ng bigas, gulay, at iba pa,” ani Antoinette Taus, CORA executive director.

May katumbas na puntos kada kilo ang mga dinadalang recycled waste sa Eco-Ikot Center. Anya, ang clear PET bottles ay katumbas ng Php1 kada kilo at ang aluminum naman ay nasa Php50 kada kilo.

Para sa mga residente ng Smokey Mountain, malaking tulong para sa kanilang pamilya ang nakukuhang pera o pagkain kapalit ng kanilang basura.

“Yung mga basura nandiyan po kami para makakuha kami ng pang-expenses…Nagkaroon ng ganitong opportunity, meron kang pambili ng bigas, pambili ng ulam,” ani isang residente na si Oscar Canlas, sa panayam ng 24 Oras.