Mga Pinoy fans ni Kim Ji Won, hindi nagpakabog! Nagpadala ng coffee truck sa ‘Queen of Tears’ set sa Korea

Ibang klaseng pagmamahal ang ipinaabot ng Pinoy fans ni Kim Ji Won sa “Queen of Tears” star.

Hindi naman pala nagpahuli ang mga Pinoy fans ni Kim Ji Won na nagpadala din ng coffee truck para sa aktres at kanyang mga castmates sa set ng Korean drama na “Queen of Tears.”

Kilig na kilig ang mga fans ng Korean actress ng maispatan sa isang behind the scenes video ang kanilang coffee truck na bonggang bongga ang pagkakalatag ng sticker at banner na pinaghirapan ng mga Pinoy fans.

Hindi lamang yun, naispatan din nila ang sticker ng kanilang Queen’s Café sa mismong script ng leading man na si Kim Soo Hyun.

Matatandaang kakatapos lamang ng “Queen of Tears” na nalagpasan ang ratings na naitala noon ng “Crash Landing of You.”

Bukod sa pagtatala ng pinakamataas na rating para sa kahit anong tvN drama, nagtala din ito ng record para sa humigit isang bilyong views na natanggap nito mula noong ito ay simulang umere noong Marso.

Dahil sa tagumpay ng serye, maglalabas ang tvN ng dalawang special episodes nitong Sabado at Linggo para sa mga fans na hindi pa rin maka-get over sa kilig at pagluha dahil sa “Queen of Tears.”