Mga developers, off-limits sa Arroceros Forest Park

Kung ang iba gusto mag-malling dahil sa init ng panahon, meron namang mas bet magpalamig sa Arroceros Forest Park, ang tinaguriang “last lung” ng Maynila.

Kung mala-impyerno sa init ang nararanasan ng iba’t ibang parte ng Pilipinas, sa Arroceros Forest Park ay may mas maaliwalas at malamig ang temperatura.

Mabuti na lang at off-limits ang kinikilalang “last lung” ng Maynila sa mga pribadong grupo at developers para mas ma-enjoy pa ng mga tao ang green space na ito.

Ayon kay Arroceros Forest Park officer-in-charge Gideon Navarro, ang temperature sa Arroceros Forest Park ay mas mababa ng 3 °C hanggang 4°C kumpara sa ibang bahagi ng lungsod ng Maynila.

Simula nang muling magbukas ang park noong 2022 matapos ang renovation, marami na ang bumisita dito na umabot pa ng 158,402 noong nakaraang taon. Nitong Enero hanggang Marso, nasa 54,177 katao ang bumisita dito.

“The forest park has created a microclimate wherein the trees have created a canopy that absorbs the sunlight and carbon dioxide and emits oxygen, as well as attracts migratory birds,” ani Navarro.

Makikita rin dito sa park ang mga katutubong puno tulad ng amugis, apatot, bagras, balete, bignay kalabaw, dao, dita, hauili, is-is, malapapaya, molave, narra, sampaloc, talisay, tuai at yakal.

Maaari rin mag-yoga at mag-meditate ang mga bisita dito. Mayroon din itong fountain, koi pond, at esplanade na nakaharap sa Pasig River na may magandang view ng Quezon at Ayala Bridges at maging ang kalapit na Quiapo district.

Binanggit ni Navarro sa panayam ng The Philippine Star, ang mga ipinagbabawal na gawain na itinakda ng City Ordinance 8607 noong si Isko Moreno pa ang mayor ng siyudad.

Ayon sa Section 8 ng ordinansang ito, ipinagbabawal ang “hunting, destroying, disturbing or possession of flora and fauna; digging, including for archaeological purposes; waste dumping; mutilation, defacing or destroying of any object; damaging trails and roads; occupation or squatting; construction and conducting business without a permit; leaving behind refuse or debris; and altering or destroying boundaries and markers” sa 2.2-hektarya ng park at ang katabi nitong plaza.