Mga aso’t pusa sa Cavite State U, kapon at vaccinated na—salamat sa isang vet student volunteer!

Hindi na poproblemahin ang pagdami ng mga strays sa campus ng Cavite State University dahil neutered at spayed na ang mga ito, salamat kay sa isang vet student na si Iverie Nobleza.

Hindi na kailangan mag-alala ng Cavite State University (CvSU) tungkol sa pagdami ng mga strays sa kanilang campus dahil nakapon na ang lahat ng aso’t pusa dito.

Ang bida sa likod ng ito ay walang iba kundi si Iverie Nobleza isang volunteer student at incoming 5th year na kumukuha ng kursong Doctor of Veterinary Medicine sa nasabing unibersidad.

Sa kanyang Facebook post, proud na proud niyang inanusyo na nakapon na ang mahigit 30 na mga aso sa unibersidad at dahil dito ay naiwasan ang 50 unwanted puppies sa campus ngayong taon.

“Additional 7 dogs were neutered today. We were able to prevent 50 unwanted puppies for this year! Plus 3 cats, 2 of them are female,” kwento ni Iverie. Nagawa niya ito sa tulong ng College of Veterinary Medicine and Biomedical Sciences at Philippine Veterinary Medical Association sa Cavite.

“We believe that all the cats in CvSU are now already neutered. All vaccinated with anti-rabies too! We weren’t able to catch more dogs since umuulan kanina pero this is still a win!” dagdag pa niya.

Simula 2019 nakahiligan na ni Iverie magvolunteer sa pag-aalaga ng mga stray animals.

Sa katunayan, sa kanyang Facebook page na Iverie, makikita ang kanyang mga activity sa pagtulong sa mga homeless na mga aso’t pusa. Sariling pera rin niya kadalasan ang ginagastos para sa mga pangangailangan ng mga ito.

May mga natatanggap din siyang cash donations, dog food, treats, at vitamins at lahat ng ito ay naka-account at pinopost niya sa kanyang Facebook.

Kahit may kasamang stress ang pag-aalaga ng mga strays, very fulfilled daw siya tuwing nakikita niya itong gumagaling at lumulusog matapos i-spay or neuter. Ang hiling niya, sana mas dumami pa ang volunteers para tumulong sa mga hayop na nangangailangan.

“Sana instead na humiling sila na maging marami ang katulad ko, ay maging katulad ko na lang sila para mas marami pang strays ang matulungan,” ani Iverie sa isang panayam sa ABS-CBN News.