McDo hero! Isang store manager nailigtas ang customer dahil sa kanyang CPR skills

Isang McDo store manager sa Valenzuela City ang kinilala dahil sa kanyang maagap na pagresponde sa emergency at sa kanyang CPR skills na nagligtas sa isang hinimatay na customer.

Hindi lang basta store manager si Bryan Bondoc ng McDonald’s sa NLEX Drive & Dine sa Valenzuela City. Kamakailan lang ay pinuri siya ng fast food giant dahil sa kanyang maagap na aksyon na nagligtas sa isang customer na inatake sa puso.

Nang biglang mahimatay ang customer noong Abril 12, agad na rumesponde si Bryan at nag-perform ng cardiopulmonary resuscitation (CPR). Kasama niya sa pagtulong si Jerico Cardiente, isang crew member na may alam din sa first-aid at CPR.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, malaki ang pasasalamat ng rescue team sa dalawang empleyado dahil sa maagap na pagtugon sa emergency at pagsunod sa tamang CPR protocols. Dahil sa kanilang ginawa, nabigyan ng pag-asa ang buhay ng pasyente.

“His actions exemplified McDonald’s values of being customer-driven, with malasakit (empathy) and teamwork. Best of all, it showcased the company’s focus on being customer-driven in that they prioritize our customers’ well-being, especially in circumstances like that,” pagpuri ni Ruben Marasigan, vice president ng Human Capital Group ng McDonald’s Philippines.

Mahigit isang dekada nang nagtatrabaho si Bryan sa McDonald’s. Nagsimula siya bilang working student noong 2009 sa Makati City branch at kalaunan ay naging pioneer member ng kauna-unahang branch ng McDo sa Malabon.

“Nakaka-motivate po makatulong pa sa iba,” ani Bryan.

Sakto naman ang pagbabahagi ng kwento ni Bryan ng kumpanya sa papalapit na selebrasyon ng Cardiopulmonary Resuscitation Day sa July 17 na ipinag uutos ng Basic Life Support Training in Schools Act.