Bagama’t nakararanas ng sakit, hindi alintana kay Aling Glenda Loteriña, 57, na labanan ang karamdaman at pagtagumpayan ang negosyong sinimulan niya.
Dala ng pangangailangan sa maayos na pagkain dahil sa kanyang polycystic kidney disease, nadiskubre ni Aling Glenda ang mushrooms bilang alternative. Nagsimula bilang libangan ang pag-cultivate sa mushrooms para sa kanyang pagkain, at dumami ito sa tulong ng iba’t ibang programa ng gobyerno.
Ngayon, isa nang matagumpay na negosyante si Aling Glenda, na nakinabang sa mga programa ng Department of Trade and Industry (DTI) tulad ng pagsasa-ayos ng kanyang manufacturing at packaging para sa J.Who Mushroom Farm. Ipinangalan ni Aling Glenda ang farm sa kanyang yumao na anak.
“As a beneficiary of DTI’s Kapatid Mentor Me program, we were trained on financial literacy, simple bookkeeping and food awareness. They teach us the food that is currently trending and will be in demand in the next few years,” ani Aling Glenda sa ulat ng Philippine Information Agency.
Ngayon, maaari na ring mag-resell ng kanyang produkto, na natatagpuan na rin sa mga Kadiwa ng Pangulo.
Nakatanggap rin si Aling Glenda ng kagamitang nagkakahalaga ng Php100,000 mula sa Department of Science and Technology para sa kanyang negosyo. Hinirang rin siya ng Simbag sa Pag-Asenso microfinance NGO bilang best entrepreneur ng dalawang magkasunod na taon.
Kung mayroon mang payo na maibibigay si Aling Glenda, sinabi niya sa mga nagbabalak mag negosyo na importante ang maging buo ang loob.
“Kung papasok ka sa negosyo, kailangan yung alam mo saka gusto mo talaga. Kung napipilitan ka lang, lagi kang mapapagod,” aniya. “Wag mong iisiping kikita agad kasi madidismaya ka. Ako po kahit matanda na at may sakit, pero dahil gusto ko yung ginagawa ko nagtatagumpay ako.”