Mary Jane Veloso, may bagong career sa loob ng kulungan!

Inatasan ng Bureau of Corrections si Mary Jane Veloso na magturo ng Batik weaving sa kanyang kapwa bilanggo.

May magandang pagkakaabalahan na si Mary Jane Veloso habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang sentensya sa kulungan dito sa Pilipinas mula Indonesia dahil naatasan siya ng Bureau of Corrections (BuCor) na magturo ng Batik weaving sa kanyang kapwa persons deprived with liberty (PDLs).

Natutunan ni Mary Jane ang paghahabi ng Batik habang nakakulong ng labing apat na taon sa Indonesia kung saan siya ay pinatawan ng death penalty dahil sa kasong drug trafficking matapos mahulihan ng 2.6 kilogram ng heroin sa kanyang maleta noong 2010.

Nakabalik ng Pilipinas si Mary Jane nitong Disyembre matapos magkasundo ang gobyerno ng Indonesia at Pilipinas na ipagpapatuloy niya ang kanyang sentensya dito sa bansa.

Siya ay kasalukuyang nasa Correctional Institution for Women (CIW), isa sa mga penal facility sa ilalim ng BuCor.

Ang pagtuturo ni Mary Jane ng Batik weaving sa kapwa bilanggo ay bahagi ng plano ng BuCor na paigtingin ang mga livelihood programs para sa mga babaeng PDLs, ani BuCor Director Gregorio Pio Catapang Jr. sa ulat ng Inquirer.net.