Mana-mana lang! Top 3 sa 2024 medtech exam, inalay ang pagpasa sa amang topnotcher rin sa kaparehong board 4 na dekada ang nakalipas

Naging mas espesyal para kay medical technology board passer Ralph Jayson Tulmo ang makamit ang ikatlong pinakamataas na score sa board exam dahil topnotcher din ang kanyang ama 39 na taon na ang nakakalipas.

Nagbunga ang halos 16-na-oras kada araw na paghahanda sa board exams para kay Ralph Jayson Tulmo nang hirangin siyang Top 3 sa 2024 Medical Technologist Licensure (MTL) Examination.

Naging mas espesyal ito para kay Ralph dahil topnotcher rin ang tatay niya halos apat na dekada na ang nakalipas.

“It feels amazing. Siyempre yung goal ko talaga mag top 1 sana talaga. Pero it’s okay. Top three is already very good. Kasi for me it wasn’t really about the top spot. It was about sharing the same [path], the same seat in history as my dad,” sinabi ni Ralph sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Mula sa 9,068 takers sa board exam, nakamit ni Ralph ang ikalong pinakamataas na score sa pagsusulit (92.7 percent). Nagtapos si Ralph sa Riverside College sa Bacolod City bilang summa cum laude.

Nang hingan niya ng payo ang kanyang magulang sa mainam na pre-med course na kukunin, hindi nagdalawang-isip ang ama ni Ralph na si Wilson na irekomenda ang kursong medical technology.

“I asked my dad what he thinks the best pre-med course is, and of course, I mean, he may be biased but he did say medical technology. He gave his reasons for it, it seems to me at that time, those were very good reasons,” aniya.

“It’s a nice training if you want to become a medical doctor because you get to have an in-depth understanding of the different activities or processes that are being performed in the lab so that you are able to obtain accurate clinical evidence, lab results ng mga pasyente mo for you to make good diagnosis,” dagdag pa ni Ralph.

Aniya, kukuha siya ng kursong medisina ngayong papasok na school year, at magtuturo sa review center kung saan siya nag-aral bilang paghahanda sa board exam.