Mabango na, masarap pa! Sampaguita by-products, magbibigay ng dagdag kita sa 3 bayan ng Pampanga, pati Aeta communities

Kasalukuyang tinutulungan ng Department of Science and Technology ang isang guro sa Floridablanca sa paggawa ng mga pagkain mula sa sampaguita na inaasahang magbibigay ng karagdagang hanapbuhay sa mga taga-Pampanga.

Limang pagkain na gawa sa bulaklak ng sampaguita ang inaasahang makakatulong sa mga flower growers sa tatlong bayan ng Pampanga, kabilang ang isang komunidad ng Aeta, ayon sa isang guro na nagsulong ng mga paggawa ng naturang mga by-products.

Sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), sumasailalim na standardization process ang mga recipe ng sampaguita cookies, jasmine tisane, sampaguita-infused lemon at bignay juices, at dragon fruit jam, ayon kay Rosa Baul, isang guro ng technical at vocational education sa Floridablanca National Agricultural School (FNAS).

Makakatulong sa consistent na output at mapapanatili ang kalidad ng mga recipe pagkatapos sumailalim sa standardization process ng DOST.

Kasabay nito, kumukuha na rin ang FNAS ng sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration, na magbibigay ng karagdagang pahintulot, ani Baul sa isang press conference kamakailan.

Tumutubo ang mga sampaguita sa lupa ng FNAS na malapit sa Barrio Nabuklod, isang Aeta village sa bayan ng Floridablanca, at aabot sa 40 mag-aaral sa Grade 11 ang nag-aalaga dito.

“When the project goes commercial, the sampaguita flowers and leaves will be bought from farmers in Lubao, Guagua and Floridablanca towns,” paliwanag ni Baul.

Nagsimulang mag-alaga ng bulaklak ang mga magsasaka doon matapos sumadsad ang ani ng palay noong 1980s. Sa pagtaya ng mga lider ng kooperatiba sa mga naturang bayan, mayroong hindi hihigit sa 200 ektarya ng tanim ng sampaguita sa Lubao, Guagua, at Floridablanca.