Maagang pamasko para kay Teacher Michael! Meme Vice babayaran ang P100K na utang ng mabait na anak at kapatid

Makakangiti na muli si Teacher Michael dahil ang kanyang mga alalahanin sa utang, sinagot na muna ni Meme Vice.

Nag-trending ang isang teacher na naging contestant sa segment na “And the Breadwinner Is..” ng “It’s Showtime” dahil naantig ang damdamin ng mga netizens sa istorya ng kanyang buhay.

Dahil siya ang breakwinner sa kanilang pamilya, ibinahagi niya na ang buo niyang sahod ay ibinibigay niya sa kanyang mga magulang at kapatid dahil siya lang ang inaasahan ng mga ito. Kada kinsenas, ipinagkakasiya na lang niya ang sarili sa tag Php30 na pastil at sa kabutihan ng kanyang mga kaibigan.

Ani Michael, nabaon na din siya sa utang na hindi niya magawang bayaran kahit na sobrang hiya na niya sa mga taong nilapitan niya. Kaya naman si Vice Ganda, nagboluntaryo nang bayaran ang buong Php100,000 utang ni Michael para maibsan na ang kanyang mga alalahanin.

Ani Vice, dumaan din siya sa pinagdadaanan ni Michael

“Alam ko ‘yung pinagdadaanan mo, nagdaan din ako sa ganyan. Nagkautang din ako. […] Alam ko ‘yung pakiramdam na may kumakatok tapos nakakakaba. ‘Yung may magte-text ta’s maninigil tapos nakakataranta,” ani Meme Vice.

“Tinatanggal niyan ang kapayapaan ng araw mo, ang ngiti ng mukha mo. […] Kaya hindi ko man masolusyunan lahat ng iba mo pang problema, at least ‘yung utang matulungan kita for now,” aniya.

Naiyak naman sa pasasalamat ang butihing teacher sa kagandahang loob ng “It’s Showtime” host.

Naantig naman ang puso ng mga viewers at netizens:

“Shocked din ako nung sinabi ni Vice na babayaran na niya yung buong 100k na utang. May kapintasan man kayo sa taong ito, (sino ba naman ang walang kapintasan) aminin niyo na madami dami din ang natutulungan niya. Bravo, Meme Vice!”

“Napaiyak nmn ako..sobrng nkkainspire.salute sau po teacher. Laban lng po wag susuko.”

“Umiiyak ako habang nanunuod, naiyak ko lahat ng stress ko…”