Sinimulan na ng mga mananaliksik ang paggawa ng bakuna kontra kanser sa baga, na inaasahang maging epektibo para pigilan ang aabot sa 90% ng mga kaso ng sakit.
Ibibigay ang bakuna sa mga indibidwal na matutukoy na may mataas na risk na magkaroon ng kanser sa baga. Sasanayin ng bakuna ang immune system ng pasyente na tukuyin at puksain ang mga cancer cell.
Ayon sa mga eksperto, “crucial moment” ang pagsisimula ng development ng bakuna kontra lung cancer na tatawaging “LungVax.” Kasalukuyang nililikha ito ng mga siyentipiko mula sa University of Oxford, Francis Crick Institute, at University College London, ulat ng Daily Mail.
May dalang kapirasong DNA ng lung cancer cell ang LungVax, na siyang magiging basehan ng immune system para makilala ang sakit at puksain ito.
“Cancer is a disease of our own bodies and it’s hard for the immune system to distinguish between what’s normal and what’s cancer. Getting the immune system to recognise and attack cancer is one of the biggest challenges in cancer research today,” paliwanag ni Prop. Tim Elliot, lead researcher sa University of Oxford.
“This research could deliver an off-the-shelf vaccine based on Oxford’s vaccine technology, which proved itself in the Covid pandemic,” aniya.