Lola’s Love: Graduate sa Basilan, emosyonal na inialay ang diploma sa kanyang lola na nagpalaki sa kanya

Apo, nagpasalamat sa lolang nagtaguyod sa kanya matapos grumadweyt sa kolehiyo sa kursong political science.

Masayang inialay ni Hamdie Aman, na taga Akbar, Basilan, ang kanyang pagtatapos sa kolehiyo sa kanyang 80-anyos na lola na nagpalaki sa kanya.

Pagkatapos ng graduation ceremony sa Basilan State College, kung saan siya nagtapos ng Bachelor of Arts in Political Science, dali-daling umuwi si Aman para ma-share sa kanyang Lola Jantian ang kanyang kasiyahan. Tinataguyod sila ng kanyang lola sa pamamagitan ng pagtitinda ng gulay.

“Wala man akong award o cum laude na yan meron naman akong apuh/lola [na] sobra pa sa award,” ang post ni Aman sa Facebook. Sinabi rin niya na dalawa sila sa pamilya ang nasa kolehiyo at siya ang kauna-unahang nakapagtapos.

Bilang pasasalamat sa lahat ng sakripisyo ng kanyang lola, isinuot niya ang kanyang toga rito at ibinigay ang kanyang diploma. Naging emotional naman ang kanyang lola.

Balak ni Aman na kumuha ng certification sa professional education dahil dream job niya ang maging guro.