Lodi naman si Ma’am! Isang guro sa Bacolod City, science teacher na, basketball coach pa

May sikreto si Teacher Leny Rose Pillo bilang isang basketball coach ng kanilang paaralan.

Ang basketball ay isa sa pinakapaboritong sports ng mga Pinoy at sanay na rin ang mga tao na ang coach ay lalaki.

Pero ibahin niyo si Teacher Leny Rose Pillo ng Bata National High School (BNHS) sa Bacolod City. Sa classroom siya ay kilalang science teacher pero sa basketball court, siya ay isang matinding coach.

“I do not have the intelligence that those men have in terms of basketball, especially mga seasoned na mga coaches….siguro ang advantage ko lang sa kanila, I’m a mother. Iba ang approach ng mother sa tatay,” sabi ni Teacher Leny sa panayam ng Digicast Negros. Si Teacher Leny ay isa ring department head ng paaralan.

Ang anak ni Nimfa Magallanes ay nagdesisyon na lumipat sa BNHS para maging student-athlete nitong pasukan. Pero hindi inaasahan ni Nimfa na babae pala ang magiging coach ng kanyang anak.

Kwento ni Teacher Leny, napabilang pa sa kalaban na school noon ang anak ni Nimfa pero noong summer ay pumunta sa kanya ang anak nito at gusto nitong lumipat sa kanila.

Hindi na iba ang basketball para sa guro dahil ang asawa niya pati ang tatlo sa anim nilang anak ay mahilig sa basketball, ani Teacher Leny.

Taong 2016 siyang nag umpisang mag-coach ng basketball team ng kanyang paaralan at may mga naipapanalo na rin na mga laro sa division meets.

Bilang coach, ang paalala niya lagi sa kanyang mga manlalaro ay ang kahalagahan ng disiplina. “Aanhin mo ang magaling na player kung walang disiplina?” aniya.