Lodi moves! Paano pinalago ng isang negosyante ang puhunang Php2k ng milyon sa frozen meat business

Mula sa Php2,000 na puhunan, milyon na ang kinikita ngayon ng isang negosyante sa Mandaue, Cebu sa kanyang frozen meat business.

Walang imposible para kay Paul Cholo Sepra kaya ang Php2,000 na puhunan ay napalago niya ng milyon milyon.

Nag-umpisa sa pagtitinda ng chorizo si Paul sa Carbon Market sa Mandaue, Cebu, katabi ng mga panindang karne ng kanyang ina noong 2008. Wala siyang alam sa pagbi-business pero marami siyang natutunan dahil sa pamamalagi niya sa palengke sa murang edad.

“As early as 16 years old, I was exposed to the harsh realities of life. The financial difficulty we were dealing with at that time showed the best and worst in me,” ani Paul sa isang panayam sa SunStar Cebu na kung saan inamin din niya na natigil siya sa pag-aaral dahil naging batang ama siya sa edad na 19.

Nang magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho sa Japan, sinunggaban niya ito. Sa isang frozen meat company siya nagtrabaho hanggang sa malipat sa isang piggery farm kung saan nag-alaga siya ng 600 hanggang 700 na mga baboy.

Matapos ang isang taon sa Japan, nagdesisyon siyang umuwi ng Pilipinas at inumpisahan ang paglalako ng frozen meat. Noong 2011, ginawang pormal ni Paul ang kanyang negosyo at pinangalanan itong Bellshayce.

Mula sa pagreresell ng isang kahon ng frozen meat, dumami ang kanyang suki at umabot sa 20 kahon kada araw ang kanyang nabebenta. Kalaunan ay naging supplier na siya ng mga frozen meat sa Carbon Market at nagbukas ng kanyang commissary sa Mandaue noong 2016.

“I learned growing this business the Carbon way, ‘tinamban-style’ as they would call it,” saad ni Paul.

Pinasok na rin niya ang pag-iimport ng frozen meat products sa United States at Europe. “My goal at that time was to make my money grow. The more I saw results, the more disciplined I became,” dagdag pa niya.