Sikat at viral ngayon ang isang senior dog sa Milwaukee, Wisconsin dahil pinag-panic nito ang kanyang hooman nang bigla itong mawala sa kanilang bakuran ngunit natagpuan rin sa hindi inaasahang lugar—sa isang bar, mahigit isang kilometro mula sa kanilang tirahan.
Ayon sa ulat ng Fox6 News, mahilig talaga sa adventure at good time ang 16-anyos na shih tzu ni Jenny Hazard na ang pangalan ay Bear noong mas bata pa ito. Ngunit may karamdaman na ang kanyang fur baby dala na rin ng katandaan.
Kaya laking takot niya ng nawala na lang bigla si Bear sa kanyang paningin habang sila ay tumatambay sa kanilang bakuran kasama ang dalawa pa niyang alagang aso gabi ng Enero 24. Bukas rin ang kanilang gate nang maglaho ang kanyang alaga.
“After about 15 to 20 minutes I was just in tears…because he’s old, he’s got a heart condition,” ani Jenny.
Dali-dali naman niyang inalerto ang mga netizens sa social media at nakiusap na ipagbigay-alam sa kanya kapag may nakakita sa kanyang alaga.
Hindi nagtagal, nakatanggap siya ng text at sinabing namataan ang kanyang aso sa isang bar! “They said—your dog is down at Finks. I’m like what?” ang natatawang sabi ni Jenny.
Isang kaibigan ng kaibigan ang nagpadala pa sa kanya ng picture ni Bear bilang patotoo na nasa bar nga ang kanyang alaga, at kita sa litrato na mistulang nag-gogood time at nagpapalamig lamang ang matandang aso.
Napagalaman din ni Jenny na kasama ni Bear ang isang grupo ng mga kababaihan na nagbabar-hopping. Ayon sa mga bar owners, malamang ay nadampot nila si Bear sa kalsada at sinama sa kanilang first stop, sa Finks.
Tuwang-tuwa naman ang mga netizens sa naging adventure ni Bear:
“This is the kind of news I needed today,” komento ng isang netizen.
“I need this dog in my life,” sabi naman ng isa.
“He is a party animal love this,” dagdag ng isa.
“Bear goes for beer. Makes sense!”
“He was living his best life,” hirit naman ng isa pang netizen.