Lifesaver! Pinoy OFW kinilala ang kabayanihan sa South Korea

Pinoy, naging lifesaver ng isang Koreano matapos aksidenteng mahulog sa press machine.

Itinuturing isang bayani ngayon ang isang overseas Filipino worker sa South Korea matapos nitong iligtas ang katrabahong Koreano na aksidenteng nahulog sa malaking press machine sa kanilang pinagtatrabahuhan sa Busan.

Kinilala ng Philippine Embassy sa South Korea ang mabuting ginawa ni Monico Caranay, isang factory worker.

Sa ulat ng GMA Regional One Western Visayas, naging maagap si Monico at tumakbo papalapit sa emergency button para hind tuluyang maipit ang kanyang Koreanong kasama sa trabaho na si Jaebin Cho.

“Ang ating spirit bilang Pilipino, ang ating puso, we are willing to help,” saad ni Caranay na isa ring pastor. Nagpaabot naman ng malaking pasasalamat si Cho kay Monico.

“Thank you to the Filipino people in Korea, especially to Nicky, who saved my life. I will never forget you in my life,” ani Cho.

Umuwi sa bansa si Monico noong Marso 14 para magbakasyon. Dahil sa kanyang magandang ginawa, binigyan din siya ng parangal ng Barangay Taculing sa Bacolod City kung saan siya nakatira.