Libreng taho ang alok ng isang ama sa Iriga City, sa probinsiya ng Camarines Sur, matapos pumasa ang anak sa 2023 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT).
“LIBRENG TAHO LPT ( Licensed Professional Teacher) NA ANAK KO!” ang nakalagay sa kariton ni Mang Bobby Torallo, isang taho vendor, upang ipagdiwang ang tagumpay ng anak na si Rosebel, na nagtapos din bilang isang cum laude sa Mater Baao Community College.
Hindi makakaila na sobrang proud ang ama dahil nakapaskil din ang larawan ni Rosebel sa kart nito.
“Thank you Lord! Para kay Mama at Papa,” yan naman ang naka post sa Facebook ni Rosebel matapos matanggap ang magandang balita.
“Today, they are the happiest parents in the world. Their youngest daughter stood up for her goal and now she is a LPT,” dagdag pa ni Rosebel na isang elementary teacher na sa University of NorthEastern Philippines sa Iriga.
Kulang umano ang salita para ipahayag ang kanyang tuwa at pasasalamat sa kanila. Pinasalamatan din niya ang Diyos at mga kaibigan.
“Worth it lahat ng pagod at puyat ni Bunso! LPT na ako! My first and last! Congratulations to all passers! All glory to God! My Alma Mater Baao Community College ” sabi pa ni Rosebel.