Ang favorite pulutan ng mga Pinoy ay pwede na ring gawing merienda dahil ang hopia lineup ng Binondo-based Chinese deli chain na Eng Bee Tin ay may bagong flavor na—sisig!
Nitong nakaraang linggo, inanusyo ng Eng Bee Tin, ang pinamakalaking hopia maker sa bansa, na mabibili na ang kanilang hopia sisig sa kanilang mga outlet stores at pati na rin sa mga online shopping platforms tulad ng Lazada.
“I-level up ang sisig experience!” sabi ng Eng Bee Tin sa kanilang Facebook post.
“Nandito na ang bagong kapares na magpapaanghang ng bawat pagsasama! Ihanda na ang Sizzling Sarap na kagigiliwan ng buong barkada hatid ng Eng Bee Tin Hopia Sisig,” dagdag pa nito.
Una nang pinatikim ng Eng Bee Tin sa kanilang mga patron ang hopia sisig bilang limited edition event-exclusive hopia flavor noong July 2024 sa National Hopia Day. At marahil pumatok ito sa panlasa ng mga hopia fans, mabibili na ang hopia sisig araw-araw simula ngayong taon.