Bago pa man sila makauwi ng Pilipinas mula sa Paris Olympics, hindi na mabilang ang mga papremyo at regalo na naghihintay para sa mga Pilipinong nagwagi ng medalya.
Higit isang buwan matapos ang naging heroes welcome para kina Carlos Yulo, Aira Villegas, at Nesthy Petecio, hindi pa din matapos ang kanilang pasasalamat sa lahat ng papuri, pagmamahal, at syempre sa mga gantimpalang natamo nila.
Sa isang Facebook post ni Nesthy, tuwang-tuwa siyang gamitin ang free movie passes na bigay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kasama ang partner na si Riza Geneblaza ng manood sila ng “Un/Happy for You”.
“Salamat po ulit sa libre ticket. Legit lahat ng bigay nila na free mga champ,” sabi ni Nesthy.
Nag-level up pa lalo ang pasasalamat ni Nesthy matapos naman niyang dalawin ang pinapatayong bahay sa Tagaytay City na bigay naman ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa hiwalay na Facebook post, kinwento ni Nesthy ang pagbisita niya sa kanyang magiging tirahan.
“Nakakatuwa at na excite ako lalo nong makita ko ang design. abangan niyo ning mga champ,” sabi ni Nesthy.
Binahagi din ni Nesthy ang masayang bonding niya sa mga construction workers na gumagawa ng magiging bahay niya.
“Sobrang saya din nila para samin, the way ikwento nila pano mangyayari sa lugar kapag natapos na pagbalik ko. salamat mga boss, may kape kayo,” sabi ni Nesthy.
At ilan pa lang yan sa mga natanggap ni Nesthy at iba pang atleta na matikas na lumaban para sa Pilipinas sa 2024 Olympics.