Law school valedictorian ng University of Caloocan, sumideline bilang sorbetero, kargador para itaguyod ang pag-aaral

Iba't ibang trabaho ang pinasok ni Jorenz Obiedo para itaguyod ang kanyang pag-aaral. Nagbunga naman ang kanyang pagsisikap nang magtapos bilang valedictorian sa law school.

Sa hirap ng dinanas niya sa kanyang buhay, mas naging determinado si Jorenz Obiedo, 26, na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral hanggang makatapos ng abogasya.

Pinasok niya ang iba’t ibang trabaho—mula pagiging sorbetero hanggang sa kargador sa pier—upang matustusan ang kanyang mga pangangailangan sa pag-aaral.

“Ayokong maging part ‘yung buhay ko ng cycle ng poverty. Ayoko rin po maranasan po nung magiging anak ko ‘yung naranasan ko po,” ani Jorenz sa ulat ng GMA News.

Nagsimulang magtrabaho si Jorenz sa murang edad upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, habang kinailangan namang tumigil ng kanyang 11 pa na kapatid. Isang construction worker ang kanyang ama, habang housewife naman ang kanyang ina.

“‘Yung tatay ko po sinama po ako na magbenta po nung dirty ice cream po. So ‘yun po ‘yung una kong trabaho. Mas mabigat pa po ‘yung dinadala ko na styro box kesa po sa bigat ko po,” sinariwa ni Jorenz.

“Nag-dishwasher po ako ng lugawan tapos nagkargador din po ng softdrinks. Naging boy din po ako or helper ng hardware store, suma-sideline po ako sa papa ko nung college ‘yung nagko-construction,’” dagdag pa niya.

Nakatapos kamakailan si Obiedo ng kanyang law degree mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Caloocan, at itinanghal siya bilang valedictorian ng kanilang batch. Habang nag-aaral sa law school, nagtrabaho rin si Jorenz bilang stenographer.

Kapag nakapasa na siya sa bar exams, nais ni Obiedo maglingkod sa kapwa bilang isang abogado sa public attorney’s office.

“Gusto ko rin po makatulong sa ibang tao. Mga kagaya ko po na wala pong means na maka-access sa justice,” paliwanag niya.