Kween things! Beauty queen ng Cebu, Top 9 sa nursing licensure exam

Ang dating beauty contestant sa Cebu na si Laica Pauline Uy ay isa sa mga topnotchers ng May 2024 Philippine Nursing Licensure Exam.

Isa sa mga topnotchers ng May 2024 Philippine Nursing Licensure Examination ang Miss Cebu contestant na si Laica Pauline Uy, nagpapatunay na hindi lang siya pang entablado kundi para sa malalaking bagay rin tulad ng pag-serbisyo sa kapwa Pilipino.

Lingid sa kaalaman ng marami, achiever na talaga si Laica kahit noong kindergarten pa lamang siya. Aktibo rin siya sa mga student organizations—naging miyembro siya ng dance team at ng student council, at naging volunteer rin sa mga NGOs.

Ayon kay Laica, isang graduate ng Velez College, hindi lamang ang makapasa sa board exam ang target niya kundi ang makasama sa top 10. Dahil sa sipag at tiyaga, Top 9 siya sa naturang board exam at siya rin ang kaisa-isahang topnotcher mula sa isang unibersidad sa Cebu.

Aminado naman si Laica na hindi naging madali ang landas ng mga test-taker kagaya niya. Inalala din niya ang “heavy anxiety” na dinanas niya matapos ang gabi-gabing pag-aaral para sa board exam kaya minarapat niyang kumonsulta sa isang therapist.

“To some, this might be a sign of weakness, but understanding why you feel the way you do and what you can do about it could just be the stepping stones to harnessing your power,” ani Laica sa isang panayam ng Cebu Daily News.

Hindi nagpatalo si Laica sa kanyang anxiety. “I started each day by praying and reciting the affirmations I had written at the beginning of my journey,” kwento niya.

“I tried my best to go through this journey holistically, eating regularly, taking my vitamins, and getting enough sleep instead of overworking myself to the point of burnout,” dagdag pa niya.

Binanggit din niya ang pagiging metikulosa niya sa kanyang mga gagawin, gaya na lamang sa pagsali sa maraming review center classes at pagpili ng learning style na akma sa kanya.

“Looking back four years later, I am so glad I made that decision and that I am able to serve people,” sabi ni Laica.