Isa sa laging inaabangan tuwing sasapit ang Pasko ay ang station ID ng ABS-CBN na nagtatampok ng mga orihinal na awitin na sumasalamin sa diwa ng kapaskuhan.
Ilan sa mga awiting tumanim na sa puso’t isipan ng mga madlang pipol ay ang “Star ng Pasko,” “Thank you for the Love,” “Isang Pamilya Tayo Ngayong Pasko” at “Family is Love.”
Ngayong taong ito, kahit na hindi na kasing bongga ng mga nakaraang taon ang Station ID ng Kapamilya network, hindi pa rin nawala ang mahika na dulot ng makabuluhang lyrics at nakaka LSS na melody.
Full force din ang mga natitirang Kapamilya artists, network executives, news anchors at DJs sa Station ID na sabay sabay umawit ng “Pasko Ang Pinakamagandang Kwento” the isinulat nina Robert Labayen at Lawrence Arvin Sibug at nilapatan ng musika nina Kiko Salazar at Jonathan Manal.
Ang bagong adisyon sa holiday playlist ay inarrange nina Theo Martel & Tommy Katigbak, at ipindrodyus ni Jonathan Manalo.
Kapansin-pansin na sa taong ito, lalong ipinamalas ng ABS-CBN ang diwa ng pamilya nang isama nito sa kanilang Christmas Station ID ang mga kapatid mula sa TV 5 at Kapuso mula sa GTV, maging ang mga kasama sa A2Z kung saan ipinapalabas ang ilan nilang mga teleserye at shows na tulad ng “Batang Quiapo,” “It’s Showtime,” “Pira Pirasong Pangarap” at “Unbreak My Heart.”
Itinampok din ang partnership ng ABS-CBN sa mga streaming giants na tulad ng Amazon Prime, Netflix at Viu na nakipagtulungan sa network sa pagpoprodyus ng mga orihinal na serye tulad ng “Dirty Linen,” “Linlang,” “Senior High” at “Can’t Buy Me Love.”
Bumida rin ang mga ordinaryong Pilipino na nagpapamalas ng katatagan, kabutihan at pagtutulungan na siyang mensahe ng kwento ng Pasko.