Kolehiyo para sa mga magulang kahit busy sa raket, pwede na sa pamamagitan ng PUP Open University!

Sa pamamagitan ng distance learning, maaaring makamit ng mga magulang at mga nasa rural areas ang inaasam na college degree sa PUP Open University.

Hindi na magiging hadlang ang kakulangan sa oras ng mga magulang na nangangarap makapagtapos ng kolehiyo kahit busy sa paghahanapbuhay.

Sa pamamagitan ng Open University System (OUS) ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), distance learning ang alok para sa mga magulang upang makamit ang inaasam nilang degree sa kolehiyo.

Kasama rin sa mga maaaring mag-enroll sa OUS ang mga nasa mga rural areas at sa mga nais ipagpatuloy ang kanilang naantalang pag-aaral sa kolehiyo.

Sa isang anunsyo, sinabi ng pamunuan ng PUP na may walong programa ang kalahok sa kanilang OUS:

-Bachelor of Public Administration (BPA)

-Bachelor of Public Administration Major in Fiscal Administration (BPAFM)

-Bachelor of Arts in Broadcasting (BABR)

-Bachelor of Science in Business Administration major in Marketing Management (BSBAMM)

-Bachelor of Science in Business Administration major in Human Resource Management (BSBAHRM)

-Bachelor of Science in Entrepreneurship (BSENTREP)

-Bachelor of Science in Office Administration (BSOA)

-Bachelor of Science in Tourism Management (BSTM)

Sa mga interesadong mag-aral, hinihikayat ng pamunuan ng PUP na sumailalim sa entrance examination na regular nilang isinasagawa. Maaaring magtungo sa mga campus ng PUP para kumuha ng aplikasyon sa entrance test.

Kabilang din sa mga eligible mag-apply ang mga college undergraduates o hindi pa nakatapos ng kurso, mga mag-aaral na galing sa technical schools, at mga tech-voc graduates o undergraduates mula TESDA.

Maaari rin mag-apply ang mga nakapagtapos sa pamamagitan ng equivalency test at alternative learning system, alinsunod sa umiiral na patakaran ng Department of Education. Tuloy-tuloy ang pagkalap ng mga aplikante ng PUP-OUS hanggang Abril 30 ngayong taon.