Nagpaantig ng puso ng mga netizens ang kwento ng isang estudyante na bigla na lang nilibre ng isang jeepney driver ng kanyang pamasahe nang papasok siya sa eskwela.
Nalaman ni Eddniel Papa, isang senior sociology student sa University of the Philippines-Los Baños, na kaya hindi tinanggap ni manong driver ang kanyang bayad dahil namukhaan siya nito na isa sa mga nagtayo ng community pantry noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Libre na pamasahe mo. Dahil sa inyo nagkabigas at ulam kami noon,” ang sabi ng driver sa kanya, na ikinuwento ni Eddniel sa isang Facebook post.
Laking gulat niya na naaalala pa siya nito kahit tatlong taon na ang nakalipas noong magtayo siya ng community pantry sa kanilang lugar nang maging uso ito bilang pagtulong sa mga kapos noong may pandemya dahil sa kawalan ng trabaho.
Sinimulan ni Patricia Non ang community pantry noong 2021 sa Maginhawa Street, Quezon City, na naging isang movement sa buong Pilipinas.
“May kulay pa ang buhok ko at payat pa ko noon. Nakakatuwa na naalala niya ako dahil sa boses ko raw noong sumisigaw ako ng ‘Dito po ang pila! Kumuha po tayo nang naaayon sa kailangan!’, kwento ni Eddniel.
Dagdag pa niya, “hindi ako makapaniwala na tanda niya pa ‘yon. Magta-tatlong taon na ang nakalilipas… pero hindi talaga nakalilimot ang masa.”
Umani naman ng samu’t saring reaksyon ang viral post ni Eddniel:
“Awww.. bakit nakakaiyak? Sobrang nakaka-touch nu’n. Yung maalala ka ng taong natulungan mo nang di mo sinasadya o plinano.”
“Minsan tlaga pag tumulong ka ng bukal sa loob mo ibabalik sayo ni Lord yan. kaya pay it forward ika nga”
“Kindness echoes through time. You’re such an inspiration, Eddniel.”
“Sarap naman nito sa puso!”
“this is too beautiful! I’m too soft for this. 🥹”