Kim Chiu, nagbigay ng words of comfort sa isang guest ng ‘Especially for You’

Naantig si Kim Chiu sa kwento ng isang bisita sa “Especially for You.”

Naantig ang aktres na si Kim Chiu sa naging kwento ng isang guest sa “Especially for You” segment ng “It’s Showtime” kung saan dumanas ito ng pakikipaghiwalay sa kanyang asawa, nagkabalikan, matapos ay pumanaw naman ang kanyang mister noong panahon ng pandemya.

Dahil sa lalim ng sakit na naranasan ng guest na si Fe, sinubukan ni Kim na magbigay ng words of comfort para makatulong.

“Lahat ng nangyayari sa buhay natin, ‘di naman yon by chance or by accident. Lahat naman ng nangyayari sa buhay natin is written. Ginawa na ‘yon bago pa man tayo ipinanganak. Mas madaling tanggapin ang lahat ng bagay,” ani Kim na naluha matapos marinig ang kuwento ni Fe.

“So, parang lahat ng nangyayari sa bawat tao, like si Mommy Fe, hindi naman nangyari ang paghihiwalay nila by accident. Sadyang itinadhana ‘yon and then binalik sa kanya, and then tinanggal uli sa kanya, and that made her strong,” dagdag pa niya.