Kilalanin ang pinaka-bet na tourist spots na binabalik-balikan ng mga turista!

Ayon sa Department of Tourism, Culture and Arts of Manila ang Rizal Park ang pinaka-bet na pasyalan sa Maynila.

Marami man ang pasyalan sa Maynila ngunit ang makasaysayang Rizal Park ang bet na bet pa ring pinupuntahan ng mga mamamasyal at turista sa lungsod.

Ayon sa Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), ang Rizal Park na nasa ilalim ng pamamahala ng National Parks Development Committee ay umakit ng pinakamaraming turista na nasa 5.7 million noong 2023.

Sumunod naman ang Manila Cathedral na matatagpuan sa Intramuros o Walled City, na nagtala ng 1.3 million na bisita, ayon sa ulat ng Philippine Star.

Ang Manila Cathedral, na tinaguriang Premier Basilica ng Pilipinas, ay isa lamang sa mga attractions na makikita sa Intramuros. Bukod dito, dinadayo din ang Casa Manila, Baluarte de San Diego, Museo de Intramuros, Fort Santiago, San Agustin Church at marami pang iba.

 Sa mga tourist attractions naman na nasa ilalim ng pamamahala ng Manila City government, ang Kartilya ng Katipunan Shrine ang patok sa mga turista na umabot sa 1.09 million, kasunod nito ang Manila Zoo na nagtala ng 661,059 turista. Ngunit tinatayang mas higit pa ang bilang ng mga bisita dito dahil hindi nakapag bigay ng datos ang Manila Zoo noong Oktubre hanggang Disyembre.

May 695,997 naman na bisita ang National Museo of Fine Arts noong nakaraang taon.

Ang mga dumadayo sa lugar na mga nabanggit ay mga foreigners, mga galing sa ibang parte ng Pilipinas, at mga residente ng Maynila.